Linggo, Pebrero 24, 2013

Pagbabawal ng 'Wang Wang' - Isang Pagasa

Magandang araw po sa inyo, aking mga magbabasa! Narito po akong muli upang magbigay ng reaksyon ukol sa pagbabawal ng wangwang sa Pilipinas at ang resulta ng mga pagbabawal nito.

          Noong siya ay naluklok at nagkaroon ng kanyang pagkakataong magsalita sa SONA, nabanggit ng ating pangulo ang tungkol sa wang-wang o ang mga sirena ng pulis na kadalasan ay ginagamit sa mga panandaliang kagipitan o sa mga paghabol ng mga kawatan. Maaaring gamitin din ito kung may mga sunog at nangangailangan ng agarang agapay at tulong. Napakaganda sa pandinig ng mga sinabi ng ating pangulo at lubha akong natuwa noong malaman ko na pati siya ay nasubaybayang hindi gumagamit ng wang-wang sa trabaho.
           Positibo ang aking pananaw dito sa ginawa ng ating pangulo sapagkat marami na akong nakitang mga pulis na naputulan ng sungay at paghahari sa daan noong magsimula ang pagbabawal nito. Nabawasan din ang mabigat na daloy ng trapiko para lamang sa mga paghabol ng mga kawatan na minsan ay nakakatakas. Sa kasalukuyan kong pagmamasid, marami na ang nasasanay sa naging pagpapalakad ng batas na ito. Hindi na nakabubulabog ng tulog sa gabi ang mga kapulisang tumutugis sa mga kriminal. Madalas ay sunog at naghihingalong buhay ang mga naririnigan ko ng mga may wang-wang. Isa itong panalo sa ating pangulo sapagkat may mabuti itong hangarin na patulugin ng matiwasay ang mga taong makaririnig nito. Tila isang batingaw na nakahahalili o nakakapagpabagabag sa mga taong makaririnig nito. Iniumang din niya ang kurapsyon bilang wang-wang, at tulad ng wang-wang ay dapat din itong alisin. Nagpakawala na naman ng bwelta ang ating pangulo laban sa kurapsyon dahil sa tingin ko ay totoo din siyang mamamayan ngunit may mga bagay na lihim na itinatago at ninanais. Mahihirapan siya sa pagsugpo ng kurapsyon ngunit hindi pa huli ang lahat para sa isang simpleng hangaring makatulong para sa bayang nagbigay sa kanya ng kapangyarihan at karangalan. Ang wang-wang na ating naririnig sa ngayon ay isa nang pundasyon ng pagasa -- pagasang hindi na tayo muling maghihikahos na kumapa sa dilim ng kurapsyon at sa bunton ng kahirapan. Tulungan natin ang pangulo sa ganitong gawain. Atin itong palaganapin upang ang kinabukasan ay maging mabuti para sa atin.

At dito po nagwawakas ang aking reaksyon. Maraming salamat po at magandang araw pong muli!

Eleksyon 2013 - Ang Epal at Ang Pagbabago

Magandang araw po, aking mga magbabasa. Narito po akong muli upang magbigay ng reaksyon ukol sa Pambansang Pangangampanya ng mga 'Epal' at sa darating na Eleksyon sa taong 2013.

           Ayon sa nabasa ko sa wikipedia.org at sa ilang mga pahayagan, ang eleksyon 2013 ay magkakaroon ng pagkakataon ang bawat mamamayan na makaboto sa isa sa mga sumusunod: labindalawang (12) senador, dalawangdaan-dalawamput siyam (229) na House Representatives, isangdaan-tatlumput walong (138) alkalde at bise alkalde. Nagsimula na ang pangangampanya ng mga senador noong ika labindalawa ng Pebrero, taong 2013 (February 12, 2013) at magsisimula pa lang ang pangangampanya ng mga House Representatives sa ikadalawamput siyam ng Marso, taong 2013 (March 29, 2013).
           Lahat ay magwawakas sa ikalabing isa ng Mayo, taong 2013 (May 11, 2013). At nagsimula na rin ang pangangampanya ng mga tinaguriang 'epal' na mga mukhang nakapaskil sa mga poste. Ngayong taon na ito, marami ang nagiinis sa mga mukha ng mga 'epal'. 'Epal' dito, 'epal' doon, kahit saan ay may 'epal'. Ikinatutuwa ko naman ang mga hakbang na ginagawa ng ating pamahalaan laban sa mga 'epal' tulad ng mga MMDA na aaksyon sa mga sumbong ng mga mamamayang napeperwisyo sa mga nakabalandrang flier, tarpaulin at iba pang hindi kanais-nais na mukha. Mga perwisyong nagdudulot ng trapiko sapagkat nahaharangan ng mga mukha ng 'epal' ang maraming traffic light. Ngunit hindi dapat natin ituon ang ating pansin sa mga 'epal' sapagkat masyado silang marami at mamumuti ang ating buhok kung bibilangin mo sila ng isa-isa. Dapat ay sa pagboto nakalaan ang ating panahon sapagkat isang pagkakamali lang ay maaaring magbigay ng paglugmok at hindi inaasahang masamang pangyayari ang idudulot nitong mga kandidato kung sakaling sila ay mailuklok. Malaki pa ang bahid ng katiwalian kaya dapat ay maging mapanuri tayo. Kasabay ng paglaban ng MMDA at ng taumbayan sa mga 'epal' ay naghanda na rin ang COMELEC sa maaaring kalabasan ng botohan. Kanya-kanyang 'pato' pa sila ngayon pero kapag may umusbong na mabuting dugo sa katapusan ng botohan, makasisiguro ang ating bansa ng kapayapaan at seguridad mula sa kanya. Nararapat lang na pag-isipan nating mabuti ang bawat taong iluluklok natin sa darating na eleksyon. Nasa ating boto nakasalalay ang ating kinabukasan. Mag-isip at magtiwala sa kakayanan mo, bilang isang botante. Ikaw, sino ba sa tingin mo ang nararapat umupo sa pwesto pagkaraan ng Eleksyon? Pili na.

At dito po nagtatapos ang aking reaksyon ukol sa Pambansang Pangangampanya ng mga 'Epal' at sa darating na Eleksyon 2013. Maraming salamat po sa pagbabasa, at muli po, isang magandang araw!

Sin Tax Bill - Isang Pagbabago

Magandang araw po sa inyo, aking mga magbabasa. Tunghayan po ninyo ang aking reaksyon ukol sa pagpapatupad ng ating pangulong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa rasong "sagrado" ang buhay ng bawat Pilipino.
           Sin Tax Law ay naglalayong pataasin ang presyo ng mga produktong nakasasama sa tao ngunit nakaka "adik" para sa karamihan. Ang mga produktong ito ay ang mga alkohol at sigarilyo. Patataasin ng Sin Tax Law ang presyo ng alkohol at sigarilyo at naglalayong bawasan ang mga taong gagamit nito. Sapagkat marami sa ating mga Pilipino ang nahuhumaling at nakasanayang nang gamitin ang alkohol, nagpasya si pangulong 'Noynoy' na ipatupad ito upang mapataas ang kalidad ng kalusugan ng mga Pilipino o kaya naman ay mabawasan ang mga Pilipinong nagkakasakit at namamatay dahil sa alkohol at sigarilyo. Ito ay nagkaroon ng bisa noong Enero 1, 2013.
           Sa simula palang, nang marinig ko ang Bill na ito, ako ay sabay na nagulat at natuwa sa sinabi ni pangulong 'Noynoy' dahil mababawasan na ang mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan na gumagamit nito kahit sa kalagitnaan ng biyahe. Nagulat ako sapagkat ito ay nagkaroon ng napakaraming batikos mula sa mga mamamayan at hindi ko inakalang sasabihan nila ito na ito raw na Sin Tax Law ay panggagalingan ng katiwalian. Maaaring tama sila sapagkat matunog parin ang mga tiwali nating mga mambabatas at mga naglilingkod sa gobyerno ngunit ang ating pangulo mismo ang nagpatupad nito na siyang mahilig manigarilyo. Ang ikinatuwa ko rito ay ang nakatakdang pagbawas ng mga gumagamit nito. Nakasusulasok kasi ang amoy ng sigarilyo, lalo pa na mahilig akong tumabi sa nagmamaneho dahil mas madali kong naibabayad ang aking pamasahe. Napakadelikado rin nito para sa akin sapagkat meron akong sakit sa baga kaya napakalaki ng tuwang naramdaman ko noong maipatupad ito. Naging hudyat ito ng ating pagbabago sapagkat masasaktan tayo sa bulsa hindi dahil ginusto ng gobyernong pahirapan tayo ngunit dahil may pakialam sila sa mga nangyayari sa mga kapwa Pilipino.
Dito po nagtatapos ang aking reaksyon ukol sa pagpapatupad ni Pangulong 'Noynoy' ng Sin Tax Bill para sa lahat ng mamamayan ng ating bansa. Nawa po ay may napulot kayong aral mula sa aking reaksyon. Maraming salamat po at magandang araw pong muli!

7.1% na Paglaki ng GDP -- Nakakagulat



Magandang araw po, aking mga magbabasa. Narito na naman po ang inyong lingkod upang magbigay ng reaksyon ukol sa biglaang paglaki ng GDP ng Pilipinas noong 3rd Quarter ng 2012 sa hindi inaasahang porsyento na 7.1. Tunghayan niyo po ang aking reaksyon.
           Mula sa business.inquirer.net ay nabasa ko ang hindi kapani-paniwalang pagakyat ng Pilipinas ng 7.1% na GDP noong ikatlong bahagi ng taong 2012. Napakalaki ng paglago ng ating bansa sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. Isa itong kahanga-hangang tala ng ating bansa sapagkat hindi ito inakala ng maraming karatig bansa ng parte ng Timog Silangang Asya. Naituring din itong bahid ng 'Good Governance' o Mabuting pamamahala ng ating pangulo sapagkat ang mabuting pamamahala daw ang nagbigay ng daan upang lumaki ng ganoon ang ating GDP sa ikatlong bahagi ng taon. Nasabi rin ni Budget Secretary Florencio Abad na maaaring matibay ang porsyento nito sapagkat papalapit na ang Pasko (ito ay sinabi niya noong umakyat ng 7.1% ang ekonomiya ng bansa, bale ito ay sinabi niya noong ikatlong bahagi ng taong 2012 bago mag Disyembre). Maraming mga economic analyst ang nagsasabing maaaring mag-'overheat' daw ang ating ekonomiya dahil sa biglaang pagtaas ng GDP sapagkat maaaring hindi makapagpatuloy ito ng katulad ng nagawa nito sa ikatlong bahagi ng taong 2012.
          Sa ngayon, bumalik na sa dating paglaki ng GDP ating bansa. Ngayong bumalik na sa dati ang paglaki ng GDP ng Pilipinas, sana ay magkaroon muli tayo ng lakas ng loob na ituon ang lahat ng ating pansin sa ekonomiya. Tangkilikin natin ang sariling atin at gamitin ito tulad ng isang Pilipino. Nakagugulat man ang biglaang paglaki ng ating GDP ay hindi dapat tayo mawalan ng pagasa na uulit ito.

At dito muling nagwawakas ang aking reaksyon ukol sa biglaang paglaking ng GDP ng Pilipinas noong Ikatlong bahagi ng 2012 na 7.1%. Maraming salamat po at magandang araw pong muli!

Sabado, Pebrero 23, 2013

House Bill 6069 at Senate Bill 3130


House Bill No. 6069 pertains to, “AN ACT CONVERTING GOVERNMENT HOSPITALS INTO NATIONAL GOVERNMENT HOSPITAL CORPORATIONS PROVIDING FUNDS THEREFORE, and AND FOR OTHER PURPOSES”; while Senate Bill 3130 pertains to, “AN ACT INSTITUTING A CORPORATE RESTRUCTURING PROGRAM FOR NATIONAL GOVERNMENT HOSPITALS, PROVIDING FUNDS THEREFORE, AND FOR OTHER PURPOSES”
  • That the said Bills include among others the corporatization of the 26 retained DOH Hospitals and Medical Centers including the Cotabato Regional and Medical Center;
  • That the Cotabato Regional and Medical Center is the only tertiary hospital serving the constituents of two administrative regions of  Region XII and Autonomous Region in Muslim Mindanao and the City of Cotabato;
  • That, Region XII and ARMM are regions where majority of the people are marginalized, and displaced by the continuing armed conflict. The maternal and infant morbidity and mortality are its highest due to poverty and inadequate health care delivery. Cotabato Regional and Medical Center is the only tertiary hospital that serves the poor;
  • That, corporatization or privatization of Cotabato Regional and Medical Center, would mean that the government discharge its responsibility of providing health to all and deprive the people of its constitutional right to health care;
  • That, depriving the people of Region XII and ARMM of tertiary health services because of high cost is a neglect of the government and would worsen the poor condition of the people;
  • That, corporatization of the hospital is a step towards privatization or even a form of privatization. Privatization would mean that the ownership in control public functions is transferred in a whole or in part to a private operator. The primary objective is profit for the owner, among other things and this necessitates an avoidance of customers who cannot pay to maximize between revenues and costs;
  • That, engaging in so called Public Private Partnership as the main engine for growth and development denies the poor of their rights to health and financial freedom. It further deprives the employees of the government of their security of tenure and a threat to their employment;
  • That, House Bill 6069 and Senate Bill 3130 slowly put patients to coma and killing through overt euthanasia the dedicated and committed hospital employees;

President Benigno S. Aquino III’s Universal Health Care Program is no different from the previous government’s health policy. “It is a continuation of the International Monetary Fund-World Bank recipes of Health Sector Agenda and the FourMula One for Health. The Universal Health Care program boasts of the Public-Private Partnership Program and the Philippine Health Insurance Program as its two main pillars,” Robert Mendoza, secretary general of Alliance of Health Workers, said.
Health groups said Aquino has surpassed its predecessor in its aggressiveness to privatize government hospitals and public health care services under its euphemistic slogan of “Universal Health Care for All.”
Mendoza cited the fast tracking of House Bill 6069 or An Act Creating National Government Hospital Corporations filed by Bacolod Rep. Anthony Rolando Golez, Jr., which has been passed by the Committee on Health in the House of Representatives last May 16. The bill proposed to corporatize 26 DOH retained hospitals; among these public hospitals are San Lazaro Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Veterans Regional Hospital, Baguio General Hospital and Medical Center, Zamboanga City Medical Center among many others.
In the Senate, Sen. Franklin Drilon filed Senate Bill 3130 or the National Government Hospital Corporate Restructuring Act, which also has the same content as HB 6069. These are all strongly opposed by progressive groups.
Aquino also placed the Philippine Orthopedic Center, San Lazaro Hospital, Research Institute for Tropical Medicine, the Eversley Child Sanitariam in Metro Cebu and 21 more regional hospitals under PPP projects for “modernization and improving of health facilities and services” with the promised return in investment in revenue sharing, lease fees per treatment with diagnostic equipment.
“The Aquino government is reneging on its responsibility to adequately provide for public hospitals by reducing subsidy and corporatizing public hospitals. Corporatization of public hospitals is privatization by another name. This will increase the cost of health services and further aggravate the present dismal plight of our poor patients and health workers,” Mendoza said.


           Magandang araw po, aking mga magbabasa. Narito po akong muli para sa panibagong reaksyon ukol sa House Bill 6069 at Senate Bill 3130. Ang layon ng mga Bill na ito ay nakapaskil sa itaas. Tunghayan po ninyong muli ang aking reaksyon ukol sa pagsasapribado ng mga pampublikong kagawaran at korporasyon ng ating gobyerno.

           Isa na namang maituturing na kalokohan para sa nakararami, o masasabi rin nilang isang kalapastangan ang ginagawang hakbang ng ating gobyerno kung saan ipasasapribado nila ang maraming ospital upang makakalap ng pondo para sa mga programang ipatutupad ng pamahalaan. Ang ipinagtataka ko lang, anong programa ang pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan at halos kating-kati na sila na ibenta ang dalawamput anim na pampublikong ospital? At isa pa ay paano kami makakasiguro na tama ang patutunguhan ng mga perang nailagak sa kanilang kamay patungo sa kanilang programa, kung sakaling matuloy ang pagbebenta ng dalawamput anim na pampublikong ospital? Kung kailan tayo nangangailangan ng FOI o Freedom of Information bill ay saka sila nagsisingit ng kanilang mga hinaing at ninanais upang matakluban at matagalan ang pagpapatupad ng FOI. Hindi kapani-paniwala ang mga nangyayari sa ating paligid, lalo na at hindi natin nalalaman ang mga rason at kadahilanan kung bakit nila ginawa o ginagawa ang mga iyon. Marahil sa isang pagkakamali marami ang pwedeng madamay, ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asang gigising din ang ating pamahalaan sa katotohanan at saka lang nila malalaman ang paraan kung paano kumilos at iayos ang mga maling gusot na nagawa nila. Magkakaroon din tayo ng pagbabago dito sa ating nasilayang kasalukuyan. Ang mga ospital na yan ay magagamit parin ng nakararami. Magtiwala tayong hindi matuloy ang kanilang adhikain para sa personal nilang kagustuhan. Kaisa kayo sa dapat manalangin upang ang mga manganganak na nanay, ang mga pilay at may sakit at ang mga nagkaroon ng malubhang karamdaman ay may mapuntahang ligtas at murang serbisyo mula sa gobyerno. Hindi ko ipinapanukalang masama ang adhikain ng gobyerno ngunit kung kanila itong rerepormahin o pupuliduhin ay maaaring magkaroon ng mabuting epekto ang hindi pagsasapribado ng mga pampublikong ospital.

Muli po, ako ay nagpapaalam. Nawa po ay may natutunan po kayo sa aking reaksyon. Maraming salamat po at magandang araw pong muli!

Francisco Nakpil - Isang Magsasakang Tapat

Magandang araw po sa inyo, aking mga magbabasa. Narito ang isa kong reaksyon ukol kay Francisco Nakpil na isang magsasakang nagdarahop magmula ng siya ay pumasok at hanggang sa makawala sa Hacienda at ang iba pang . Tunghayan po ninyo ang aking reaksyon.

           Si Francisco Nakpil ay isa lamang sa mga taong naghihirap at nagdurusa sa kapabayaan ng mga nakaluklok sa Hacienda. Ayon sa bulatlat.com ay nakatatanggap si Nakpil, noong siya ay nagtatrabaho pa sa pataniman ng mga tubo sa Hacienda, ng siyam na piso (P 9) araw araw, isang sako ng bigas kada buwan, apat na libong piso (P 4000) na pautang para sa Edukasyon ng kanyang mga anak kada Hunyo (June) at dalawang libong pisong (P 2000) na taunang hati ng kita ng kumpanya ng Hacienda. Lahat ito ay kanyang nakuha mula nang magtrabaho siya sa Hacienda. Nang siya ay maging HLI stockholder, nagkaroon siya ng dalawangdaan at apatnapung kilometro kwadradong lupa ( 240 sq. m) at kwarentaotsto piso at animnaputanim na sentimo (P 48.66) kada araw. Inakala niyang magiging madali lalo ang buhay niya dahil sa CARP. Ngunit tulad ng karamihan, nagkamali din siya. Naghirap pa siyang lalo dahil dito. 

           Ngayon na animnaput walong taon na siya, nagkaroon siya ng lupa mula sa pagiging HLI stockholder, dalawangpung libong pisong (P20 000) separation pay at dalawang libo aninaraang pisong (P 2600) pensyon sa SSS. Isa itong bahid ng hindi makataong pakikitungo at pakikisama ng Hacienda mula sa kanilang mga magsasakang tumulong paunlarin ang kanilang taniman. At sa huli, nasabi ni Nakpil sa mga taga bulatlat.com na "Ako'y mahirap, noon at ngayon." Isang kaawaa-awang kalagayan at pagtanggap sa kapalaran ng isang taong nagpakahirap at halos ibuwis ang lahat ng kanyang buhay sa Hacienda para lamang matulungan ang kanyang pamilya. Hanga ako sa kanyang katapatan sa paggawa ngunit hindi ako natututwa sa mga pinagdaanan niya mula sa kamay ng mga taga-Hacienda sapagkat marami silang kinakaltas sa sweldo ngunit hindi naman tuluyang nakukuha at nabibigyang benepisyo ang mga katulad niya. May mga kung anu-anong idinadagdag sa resibo ng sweldo para lamang itago ang yaman. Hindi ko man siya maipaglaban sa ngayon, tanging respeto, dasal at kahilingang tumagal pa sana ang mga katulad niya sa pagsasaka hanggang sa araw na may darating na tunay na taong uupo sa Hacienda at makikisalamuha sa mga katulad niya. Hindi pa huli ang lahat para pagbabago ng ating konstitusyon. May eleksyon pa at may mga darating pang eleksyon, sa tingin ko. Hawak natin ang pag-asa ng bawat isa, na bumangon at baguhin ang kasalukuyang nakasusulasok sa paningin at pang-amoy ng kapwa natin.

At dito po nagwawakas ang aking reaksyon ukol kay Francisco Nakpil. Sana po ay may aral kayong napulot mula sa pagbabasa nito. Maraming salamat po at magandang araw pong muli!

Reaksyon sa Hacienda Luisita

Magandang araw po. Narito po ang aking maikling reaksyon ukol sa kahirapan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
        Marami sa ating mga magsasaka ang naghahangad ng kalayaan mula sa tanikala ng kahirapan at hindi pantay na pagsweldo sa kanila sa Hacienda Luisita. Maraming tao ang nagwewelga, napapatalsik at napapalitan. Nagpapaulit ulit lang ito sapagkat iisa ang kanilang hangarin -- ang pantay na sweldo at benepisyo ng Hacienda. Marami sa kanila ang naghihirap lalo na ang mga taong matagal nang nagtatrabaho sa Hacienda ngunit hindi makalabas sapagkat kailangan ng pamilya nila ng pera upang matustusan ang kanilang kahirapan kahit na kakarampot lang ang kanilang natatanggap. Kalunos lunos ang kanilang mga pinagdaraanan at talagang mararamdaman mo ang kahalagahan ng pakikibaka para sa kanila sapagkat sila ay parang alipin kung itrato ng mga may-ari ng Hacienda.
        Hindi nakapagtatakang napakalaki at napakasagana ng produksyon ng Hacienda kahit na marami sa mga manggagawa nila ang nagwewelga. Aakalain ba ninyo na ang isa sa mga may hawak o may parte sa Hacienda ay ang ating kasalukuyang pangulo? Tulad ng aking narinig mula sa aming guro sa Aralin Panlipunan, kay President Benigno Simeon Cojuangco Aquino III daw ang may pinakamabagal na porsiyento ng pagpapamahagi ng Lupa ng Hacienda kahit na ang nanay niyang si Late President Corazon Aquino ang nagpanukala ng batas na CARP kung saan marami sanang lupang sakahan ang maibabahagi sa mga naghihingalong magsasaka. Maraming taon na ang nakalipas mula sa mga kasunduang hindi naman natutuloy. Nakakalungkot mang isipin na halos puro pangako lang ang bawat pulitiko sa ating bansa ay wala pa ni- isa sa kanila ang tumulong na tuparin ang mga ninais ng mga nakaraang pangulo na mga repormang agraryo na makakabasag ng tanikala ng kahirapan ng mga magsasaka. At kung mayroon man, nawa ay matustusan nila ang pangangailangan ng ating mga magsasaka na itinuturing na gulugod ng ating ekonomiya at mabigyang benepisyo at espesyalisasyon upang mabuhay ng matiwasay.
       Sinu-sino pa kayang mga pulitiko ang mangangako at makikibaka laban sa kahirapan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita? Huli na ba ang lahat para sa mga magsasaka ng ating bansa? Sa nalalapit na eleksyon, maging wais sana ang ating mga magsasaka at tukuyin at damdamin ang kanilang mga pipiliing kandidato na makatutulong ng higit sa kanilang pagkabaldado sa pangangailangan. Maraming salamat po at magandang araw pong muli.